Bunsod ng sunud-sunod na “mega fuel price increase” … Taas-pasahe sa dyip, bus aprub na – LTFRB
- Published on March 17, 2026
- by @peoplesbalita
INAPRUBAHAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag pasahe sa mga pampasaherong dyip at bus.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza na iaanunsyo ngayong Martes (Marso 17) ang halaga ng taas pasahe.
“Hindi naman natin kayang lubohin ‘yan,
lakihan na napakalaki dahil mahihirapan masyado ang ating mga mananakay. Tapos, we also coordinate with other government agencies ‘yung impact on inflation,” ani Mendoza.
Ipinaliwanag din ni Mendoza na magtataas din sa pasahe ang taxi at UV Express na kabilang sa naghain ng petisyon subalit hindi pa ito agad na mag-aanunsyo sa Martes dahil huli na itong naaprubahan at dadaan pa sa pagdinig at malawakang konsultasyon.
Samantala sa isang pahayag, sinabi ni Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) president Melencio Vargas, na hindi naman hihinto sa pamamasada ang mga tsuper ng dyip dahil ito lang ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
“Kami ay magtitiis talaga. Makapag-uwi kami ng 300 to 400 pesos, kahit paano pambili na ng bigas ‘yun,” ani Vargas.
Makakatulong din aniya sa kanila ang ipapamahaging subsidiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at LTFRB.
Sa panig ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), tuloy pa rin ang kanilang kilos-protesta dahil sa nagiging epekto sa kanila ng giyera sa Gitnang Silangan.
Magsasagawa ang PISTON ng pulong-balitaan ngayong araw para sa mga petsa ng planong transport strike.
(Daris Jose)