• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BUMIBILI NG YOSI BINARIL PATAY

NASAWI ang isang 51 anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa Block 1, Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Manila.
Sa nakalap na impormasyon, bumili lamang ng sigarilyo sa tindahan ang biktima na nakilalang si Walter Delmo nang biglaang pagbabarilin ng mga suspek.
Tatlong tama ng bala sa likod ang tinamo ng biktima na siyang ikinasawi nito.
May rumondang pulis sa lugar, nakapagsumbong ang live-in partner ng biktima kaya agad na nagsagawa ng follow up operation laban sa suspek.
Ayon sa pulisya, dalawang suspek ang naaresto na kinilala sa alyas ‘Mart’ na siyang bumaril sa biktima at alyas ‘John’ na siyang nag-abot ng baril at itinuturing na mastermind sa krimen.
Napag-alaman na tatay-tatayan ng mga suspek ang nasawing biktima.
Kwento ng kinakasama ng biktima sa pulisya na nagkaroon ng alitan ang mga suspek at si Delmo bago ang pamamaril matapos na suwayin nito si alyas ‘John’ nang maaktuhang kumukuha ng mga barya sa computer shop.
Hindi rin inaalis ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa iligal na droga ang nangyaring krimen.
Kasalukuyang hawak na ng Homicide Section ng Manila Police District ang mga suspek na mahaharap sa kasong murder. (Gene Adsuara)