• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bulacan public health, itinataguyod ang online na pagpaparehistro sa bakuna kontra COVID-19

LUNGSOD NG MALOLOS– Sa isang taong mababakunahan kontra COVID-19, isang hakbang na mas malapit upang makamit ang herd immunity sa bansa.

 

 

Ito ang paalala ng Bulacan Provincial Health Office-Public Health na itinataguyod ang online na pagpaparehistro sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 sa kanilang opisyal na Facebook account at sa mga lugar ng bakunahan na tinawag na ‘Bulacan Accelerated Vaccine Roll-out’.

 

 

“Kung wala po ang inyong munisipyo sa listahan ay maaari ring magtungo sa mga Rural Health Unit (RHU) ng inyong lugar para makapagparehistro,” ani Dr. Hjordis Marushka Celis, direktor ng Bulacan Medical Center.

 

 

Makikita at maaaring magparehistro sa mga link para sa bakuna kontra COVID-19 ang mga nasa priority group na A1 hanggang A5 o ang mga frontlinersenior citizen, mga may comorbidityindigent population at uniform personnel sa mga bayan at lungsod ng Bulacan na naka-post sa kanilang opisyal na Facebook account na https://www.facebook.com/ PHOBulacan.

 

 

Bukod dito, hinihikayat ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na magpabakuna upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang mga sarili kundi maging ang kanilang mga pamilya at mga taong nakapalibot sa kanila.

 

 

“Hindi po namin kayo pinipilit na magpabakuna but we are highly recommending that you get vaccinated. It is free and it is for your protection lalo na ngayon na nandito na ang Delta higit na nakakahawa,” saad ni Fernando.

 

 

Hiningi din ng gobernador ang pakikiisa at pasensya ng mga Bulakenyo habang naghihintay ng bakuna.

 

 

“Lahat po ng ibinibigay na bakuna sa atin ay ibinibigay natin sa mga Bulakenyo. Sa mga nakapagrehistro na at hindi pa nababakunahan, hintay lang po tayo, sinusunod po natin ang prioritization guidelines galing sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG). Kung nakarehistro na at may dumating mas madali po nating maa-allocate,” dagdag ni Fernando.

 

 

Ayon sa World Health Organization, malaking tulong ang bakuna sa paglaban sa COVID-19 at ang pagpapabakuna ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang proteksyunan ang sarili at kapwa.

 

 

Nilinaw din ng WHO sa kanilang website na nagkakaroon ng immune response ang mga taong nagkaroon na ng SARS-CoV2, na siyang nagdadala ng COVID-19 ngunit kailangan pa rin ng bakuna laban dito upang higit na mapataas ang proteksyon at mapalakas ang immune response. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)