Bulacan, higit na pinaigting ang contact tracing kasabay ng pagpasok ng Delta variant sa lalawigan
- Published on August 3, 2021
- by @peoplesbalita
LUNGSOD NG MALOLOS– Higit na pinaigting ng Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 ang contact tracing at pinahigpit ang pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) Strategy upang maiwasan ang lalong pagkalat ng mga kaso ng COVID lalo na ngayon na pumasok na sa lalawigan ang mas nakakahawang variant ng virus.
Kinumpirma ni Gobernador Daniel R. Fernando na dalawang kaso ng COVID Delta variant ang nakapasok sa Bulacan, isa sa San Ildefonso at isa sa Santa Maria, sa ginanap na Damayang Filipino Blood Letting Program sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kahapon.
Ayon sa gobernador, magaling na ang asymptomatic na kaso sa San Ildefonso, habang sumasailalim pa sa quarantine ang isa pa mula sa Santa Maria.
Hinikayat niya ang mga Bulakenyo na patuloy na sumunod sa standard health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagpapatupad ng social distancing at madalas na paghuhugas ng kamay dahil ang mga ito ang napatunayang epektibong paraan upang makaiwas sa pagkakahawa ng anumang variant ng virus.
Bago pa ito, kahit wala pang naitatalang kaso ng Delta variant, nailatag na ang mga nabanggit na aksyon ni PTF Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis sa ginanap na PTF Meeting noong Biyernes, Hulyo 23, 2021 upang ihanda ang lalawigan sa posibleng pagtaas ng kaso dahil sa bagong variant.
Kahapon, ang Bulacan ay mayroong 1,687 kabuuang aktibong kaso ng COVID, 41,272 paggaling, at 938 na pagkamatay.