• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 6:28 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bulacan, ginunita ang ika-123 Anibersaryo ng Republikang Pilipino

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pagdiriwang ng isa sa mga pinaka kilalang kaganapan sa Lalawigan ng Bulacan, pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang isang payak na programa sa paggunita ng ika-123 Anibersaryo ng Araw ng Unang Republikang Pilipino na ginanap sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain dito kaninang umaga.

 

 

May temang “Unang Republikang Pilipino: Sandigan ng Nagbabagong Panahon”, binigyang diin ni Fernando ang diwa ng pagdiriwang ng Araw ng Republika at ang ginampanan ng Lalawigan ng Bulacan sa pagkamit ng pambansang kasarinlan.

 

 

“Ang Araw ng Republika ay pagdakila sa lalawigan ng Bulacan at sa kanyang hindi malilimutang gampanin sa kasaysayan ng pambansang katubusan. Ang diwa nito ay maging karapat-dapat sa lahat ng mabubuting bagay na ipinaglaban ng ating mga ninuno—ang kahalagahan ng pagtatanggol sa ating demokrasya, pagdamay at pagmamahal sa kapwa, respeto sa kalikasan, at higit sa lahat, ang pagkakaroon ng banal na takot sa Diyos, sapagkat ito ang siyang bukal ng tunay na karunungan,” anang gobernador.

 

 

Dumalo rin sa programa sina Bise Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, National Historical Commission of the Philippines Representative Rosario V. Sapitan, Lungsod ng Malolos Mayor Gilbert T. Gatchalian, Vice Mayor Noel G. Pineda, PCol. Rommel J. Ochave of PNP Bulacan at Rev. Fr. Domingo Salonga upang saksihan ang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng monumento ni Hen. Emilio Aguinaldo.

 

 

Ang Republika ng Pilipinas, na nailalarawan bilang unang wastong republikang konstitusyonal sa Asya, ay itinatag noong Enero 23, 1899 ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo sa Bulacan noong Rebolusyong Pilipino at Digmaang Espanyol-Amerikano. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)