Booster shots para sa priority groups, maaaring simulan sa Nobyembre
- Published on October 29, 2021
- by @peoplesbalita
TARGET ng National Task Force (NTF) Against Covid-19 na simulan sa Nobyembre ang pagbabakuna ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine booster shots sa priority sectors.
Inaprubahan na kasi ng Department of Health (DOH) ang probisyon ng booster shots sa mga fully vaccinated health care workers (A1), na unang nakatanggap ng bakuna noong Marso.
Prayoridad din ang Senior citizens (A2) at immunocompromised adults (A3) ayon kay NTF chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr., sa isinagawang Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.
Ani Galvez, ang Health Technology Assessment Council (HTAC) at All Experts Groups on Covid-19 Vaccines ay nagpalabas ng “positive opinion” sa pagbabakuna ng booster shots.
“Nagpalabas po ng kanilang positive opinion ang HTAC at ang ating All Expert Group para kapag nag-start na po tayo ng boosters sa ating mga health care workers,” ayon kay Galvez.
Sinabi ni Galvez na sinimulan na ng DOH ang pagpo-proseso ng emergency use authorization na inamiyendahan para sa iba’t ibang brand ng bakuna na gagamitin bilang booster shots.
Dalawang milyong booster doses ang inilaan para sa A1 at limang milyon naman para sa A2 at A3 priority groups.
“We have enough doses for them. Regardless of brand, mayroon po tayo na nakatabi ,” dagdag na pahayag nito.
Aniya, hinihintay na lamang nila ang anunsyo ng All Expert Groups kung ito’y heterologous (mixed) o homologous (same brand) vaccination at para sa final guidance mula sa Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ng World Health Organization.
Ang mga binakunahan ng Sinovac jab ay maaaring bakunahan ng Pfizer, AstraZeneca o Moderna bilang booster shot. (Daris Jose)