Boluntaryong palawigin ang pagbibigay ng diskwento sa presyo ng langis, panawagan ng mambabatas
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
HABANG ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay, nanawagan ang isang mambabatas sa mga kumpanya ng langis na boluntaryong palawigin ang
pagbibigay ng diskwento sa presyo ng langis upang makatulong na mabawasan ang epekto ng price increase.
Ayon kay Rep. Alfredo Garbin Jr. , hindi na kailangang hintayin ng mga oil firms ang pagpapatupad ng pagbawas sa excise tax para magbawas ng presyo.
Sa patuloy na mataas aniyang presyo ng gasolina at diesel, maraming motorista ang napipilitang bawasan ang biyahe o iparada ang kanilang mga sasakyan.
“Ang epekto nito ay ramdam sa buong supply chain, mula sa transportasyon hanggang sa presyo ng pagkain,” anang mambabatas.
Sinabi pa nito na kung magbibigay ng diskwento ang oil companies ay makatutulong ito hindi lamang sa mga motorista kundi lalo na sa mga mangingisda, magsasaka, freight operators, at mga PUV drivers na direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis,.
Hinikayat pa nito ang Department of Energy na siguruhin na magkaroon ng maayos na koordinasyon para sa implementasyon ng mga hakbang na magpapababa sa presyo ng langis.
Idinagdag ng kongresisita na maaaring pag-aralan ang mas maayos na pag-phase ng price adjustments sa LPG upang hindi mabigla ang mga households at maliliit na negosyo tulad ng mga karinderya.
(Vina de Guzman)