Bodegang imbakan at pagawaan ng solvent sa Valenzuela, tinupok ng apoy
- Published on March 4, 2026
- by @peoplesbalita
TINUPOK ng apoy ang isang bodegang imbakan at pagawaan ng solvent makaraang sumiklab ang sunog, Lunes ng hapon sa Valenzuela City.
Dakong alas-2:37 ng hapon nang ilagay ng
Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) sa unang alarma ang sunog sa warehouse na nasa Cabral St. Brgy. Maysan at kaagad na itinaas sa ikalawang alarma makaraan ang 11-minuto.
Para maiwasang madamay ang mga katabing bodega, itinaas sa ikatlong alarma ang sunog bago ideniklarang under control alas-4:00 ng hapon at tuluyang naapula bandang alas-4:23.
Isa naman sa mga kawani ng bodega ang iniulat na nasugatan na kaagad na naisugod sa pagamutan habang ligtas na nakalabas ang iba pang trabahador
Aminado ang BFP na nahirapan silang apulahin ang apoy dahil bukod sa madaling mag-apoy ang mga nakaimbak na solvent sa bodega, malayo pa ang fire hydrant sa lugar na pinagkukuhanan nila ng tubig.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga arson investigators upang alamin ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halagang natupok ng apoy. (Richard Mesa)