• February 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BIYAHE SA DAGAT, SINUSPINDE DAHIL SA BAGYONG BASYANG

PANSAMANTALANG sinuspinde ang lahat ng biyahe sa dagat sa loob ng probinsya ng Iloilo dahil sa patuloy na epekto ng Bagyong Basyang sa malaking bahagi ng Visayas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang sea travel advisory na inilabas noong Martes ng gabi, ipinag-utos ng Coast Guard Station (CGS) Iloilo ang suspensyon ng lahat ng biyahe hanggang sa karagdagang abiso, dulot ng masungit na kondisyon ng dagat na iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa Pagasa, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang probinsya, kabilang ang Iloilo, na nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan sa dagat.
Bilang pag-iingat, pinaalalahanan ang mga mangingisda at mga komunidad sa baybayin na huwag pumalaot at umiwas sa anumang aktibidad sa tubig habang nananatili ang masamang panahon.
Ayon kay Cdr. Jan J. Terazona, acting commander ng CGS Iloilo, naka-standby ang lahat ng deployable response teams ng PCG para sa agarang aksyon kung sakaling magkaroon ng emerhensya.
Kumpirmado rin na lahat ng floating assets, rescue boats, communication systems, at life-saving equipment ay nasa maayos na kondisyon at handa para gamitin.
Habang suspendido ang biyahe, pinapayagan ang limitadong operasyon sa ruta ng Iloilo-Guimaras sa ilalim ng mahigpit na alituntunin.
Ang mga pampasaherong barko at motorbanca ay pinapayagang maglayag nang hindi hihigit sa 50% ng kanilang kapasidad, habang ang roll-on/roll-off vessels na may bigat na higit sa 300 gross tons ay maaaring maglayag kung ang kargamento ay hindi lalampas sa 75% ng kanilang kapasidad, ayon sa umiiral na maritime safety regulations.
Pinaalalahanan din ng CGS Iloilo ang mga residente sa baybayin na bantayang mabuti ang antas ng tubig sa kanilang lugar, lalo na sa mga mabababang lugar na madaling bahain, dahil maaaring magpatuloy ang malalakas na ulan at hangin.
Ang biyahe ay papayagan lamang ulit kapag bumuti na ang lagay ng panahon at kondisyon ng dagat, base sa susunod na mga abiso.( Gene Adsuara)