Bishop bida sa pagtakas sa Gin Kings Bolts inangkin ang game 3
- Published on April 12, 2022
- by @peoplesbalita
NIRESBAKAN ng Meralco ang nagdedepensang Barangay Ginebra para agawin ang 83-74 panalo sa Game Three ng PBA Governors’ Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Rumatsada si import Tony Bishop sa kanyang tinapos na 30 points at 17 rebounds para ibigay sa Bolts ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Gin Kings.
Maaaring makalapit ang Meralco sa inaasam na kauna-unahang PBA crown kung muling tatalunin ang Ginebra sa Game Four sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
“Both teams played really good defense tonight. You can tell it by the score,” sabi ni Bolts’ head coach Norman Black na nakahugot kay Chris Newsome ng 20 markers, 11 rebounds at 6 assists.
Binanderahan ni import Justin Brownlee ang Gin Kings sa kanyang 19 ponts, 15 rebounds at 7 assists, habang may 17 at tig-11 markers sina Christian Standhardinger, LA Tenorio at Scottie Thompson, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng ng Ginebra ang 13-point lead, 43-30, mula sa fastbreak lay-up ni Thompson sa 5:27 minuto ng second quarter.
Naagaw naman ng Meralco ang 54-53 bentahe mula sa dalawang free throws ni Bishop matapos ang flagrant foul ni Stanhardinger sa 6:38 minuto ng third canto.
Nagtuwang sina Bishop, Newsome at Allein Maliksi sa fourth period para sa 81-74 paglayo ng Bolts sa huling 3:13 minuto.
Ilang beses nagtangka ang Gin Kings na makalapit sa pamamagitan ni Brownlee.
Ngunit mas matibay ang determinasyon ng Meralco na makuha ang bentahe sa serye.
Nagmula ang Ginebra sa 99-93 panalo sa Game Three.