BINAY, ZAMORA, INIREKLAMO SA COMELEC SA VOTE-BUYING
- Published on May 7, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG reklamo ang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) laban kina Makati Mayor at tumatakbong senador Mar-Len Abigail “Abby” Binay at Taguig 2nd District Representative Amparo Maria “Pammy” Zamora dahil umano sa sabwatan nila sa pamimili ng boto sa isang campaign rally na ginanap sa Barangay Cembo noong Abril 10, 2025.
Nilabag umano nina Binay at Zamora ang Section 261 (a) at (b) ng Omnibus Election Code at Section 26 (p) ng COMELEC Resolution No. 11104 na mahigpit na nagbabawal sa pamimili ng boto at pakikipagsabwatan upang impluwensyahan ang desisyon ng mga botante gamit ang pera o anumang benepisyo.
Batay sa sinumpaang salaysay ng nagreklamo, ipinakilala ni Binay si Zamora sa rally bilang kanyang “counterpart sa Kongreso” at pabirong sinabi: “So mamaya po, magsasalita po si Cong. Pammy, papakitaan niya kayo ng mga limpak-limpak niyang pera dahil marami siyang pondo. Hehehehe. Yari ka, Pammy.”
Hindi naman ito kinontra ni Zamora na ngumiti lamang bagay na pagpapakita ng pangsang-ayon at nagbigay ito ng ideya sa mga tagapakinig na may gantimpala kapalit ng suporta sa darating na halalan.
Binigyang-diin sa reklamo na hindi kailangan ng aktwal na pamimigay ng pera upang masabing nagkaroon ng vote-buying dahil ang pag-aalok, pagbanggit, o pangakong may kaugnayan sa pera o benepisyo ay isa ng paglabag sa batas. Ang pahayag ni Binay at ang tugon ni Zamora ay ginamit na batayan upang ipakita ang pagkakaroon ng sabwatan.
“Itong malinaw na pagpapalitan ng mensahe ay tahasang paglabag sa batas at pagsubok na impluwensyahan ang resulta ng eleksyon,” ani ng nagsampa ng reklamo. Binanggit din sa reklamo ang mga naunang desisyon ng korte na nagpapakita na sapat na ang sabwatan para masabing may krimen kahit walang pisikal na pamimigay ng pera. (Gene Adsuara)