Binata na wanted sa rape sa Bulacan, nalambat ng Caloocan police
- Published on January 27, 2025
- by Peoples Balita
HIMAS-REHAS ang isang lalaki na wanted sa kasong statutory rape matapos makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang akusado na si alyas ‘James’, 20.
Dinakip si ‘James’ sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Presiding Judge April Anne M. Turqueza-Pabellar, ng Family Court, Branch 6, Third Judicial Region, Sta. Maria, Bulacan noong August 16, 2024, para sa kasong Statutory Rape.
Ayon kay Col. Canals, walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Cadena de Amor Police Substation-11 na nagtatago umano sa Camarin ang akusado na nakatala bilang Top Most Wanted Person sa Bulacan.
Kasama ang mga tauhan ng NCRPO-RDEU Team 3, agad nagsagawa ang SS11 ng joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3:20 ng gabi sa Lirio Street, Barangay 175, Camarin.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng SS11 habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang dedikasyon at mabilis na action ng mga tauhan ni Col. Canals na nagresulta sa matagumpay na operation. (Richard Mesa)