Bilang paghahanda sa pagdating ng Bagyong Mirasol: 2.5 milyong food packs at iba pang relief items, nakahanda na- Malakanyang
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita
BILANG preparasyon sa pagdating ng Bagyong Mirasol, sinigurado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda na ang higit sa 2.5 milyong food packs at iba pang relief items para sa mga Filipino na maaapektuhan ng nasabing bagyo.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-ibayuhin ang disaster preparedness ng bansa.
Sa katunayan, nakatutok na aniya ang DSWD sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo para makapagpaabot ng agarang tulong sa mga maaapektuhang komunidad.
Ayon sa ahensiya, ‘ready to deploy’ na ang mga family food packs maging ang higit 100,000 ready-to-eat food boxes para sa mga maaaring ma-stranded dahil sa inaasahang sama ng panahon.
Bukod aniya sa mga food packs, may higit 300,000 relief items din gaya ng kumot, hygiene kits, modular tents at iba pa na naka-standby para sa ikagiginhawa ng mga pamilyang tutungo sa evacuation center.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga Local Government units (LGUs) para siguruhin na mapabilis ang pagtulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Pinaalalahanan naman ni Castro ang lahat na mag-ingat at sumunod sa mga direktiba ng mga LGUs para sa kanilang kaligtasan. ( Daris Jose)