Bilang ng reklamong ipinarating sa Sumbong sa Pangulo website, umabot na sa halos 20K – Malakanyang
- Published on October 12, 2025
- by @peoplesbalita
TINATAYANG umabot na sa 19,729 ang naitatalang bilang ng mga reklamo na ipinaabot ng publiko sa Sumbong sa Pangulo website na inilaan para sa mga reklamong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na asahan bukas, Oktubre 10, ang mas detalyadong mga impormasyon kung saan ay nakapaloob dito kung ano na ang development sa mga reklamo at alin sa mga ito ang naaksiyunan at nasolusyunan na.
Kaugnay nito, winika ni Castro na wala pa silang matukoy na timeline partikular sa kung hanggang kailan bukas ang Sumbong sa Pangulo website.
Tututukan aniya nila kung may darating pang mga reklamo, gayung ito ang maaaring maging hudyat para alisin na ang website.
Matatandaang, nauna nang sinabi ng Malakanyang na bukas din silang palawigin ang website para sa mga reklamo laban sa anomalya sa iba pang infrastructure projects ng gobyerno.
Matatandaang, August 11 , 2025, inilunsad ang Sumbong sa Pangulo website kasabay ng paglalantad sa top 15 contractors na dawit sa flood control anomaly.
( Daris Jose)