Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, bumaba sa 24.7 percent ayon sa SWS
- Published on May 4, 2022
- by @peoplesbalita
BAHAGYANG bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Disyembre 2021 na umabot sa 11 milyon, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ngunit, binanggit na tumaas ang rate ng mga nawalan ng trabaho sa mga nasa hustong gulang sa lahat ng lugar maliban sa Visayas.
Ayon sa Fourth Quarter 2021 SWS survey, ang kabuuang adult joblessness sa bansa ay bumaba sa 24.7 percent noong Disyembre noong nakaraang taon.
Ito ang “pinakamababang” adult joblessness rate mula noong 17.5 percent na naitala sa parehong panahon noong 2019.
Bahagyang bumaba rin ito mula sa 24.8 porsiyento o 11.9 milyon na naitala noong Setyembre 2021, ayon sa survey, na inilabas noong Huwebes.
Ang 24.7-percent joblessness rate na humigit-kumulang 11 milyon ay naitala mula sa isinagawang survey mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021.
Isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interviews sa 1,440 adults na may edad 18 pataas sa buong bansa, o 360 bawat isa sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao. (Daris Jose)