• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 11:31 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bida na sa remake ng South Korean movie: RABIN, matagal nang ipinagdarasal na magkaroon ng acting piece

PASABOG ang nalalapit na showing ng ‘A Werewolf Boy’ na Philippine adaptation at remake ng 2012 South Korean movie na ‘A Werewolf Boy’, na pinagbidahan nina Song Joong Ki at Park Bo Young.
This time, sa pamamagitan ng Viva Films, pagbibidahan nila, bilang launching movie ng RabGel loveteam nina Rabin Angeles at Angela Muji.
May teaser na ang pelikula at sa totoo lang ay bagay na bagay kina Rabin at Angela ang naturang remake.
Sa thanksgiving at finale mediacon ng kanilang Viva One hit series na ‘Seducing Drake Palma’ ginanap ang announcement at pagpapalabas ng teaser na ikinatili at ikinakilig ng fans ng dalawa.
Nagkataon naman na idol ni Rabin si Song Joong Ki kaya raw excitement at nerbiyos ang nadarama ni Rabin tungkol sa una niyang pelikulang pagbibidahan.
“Itong project na to, sobrang kaba-kaba pa rin ako kasi hindi pa naman po ako ganoon kagaling umarte.
“Pero kahit hindi ako ganoon kagaling umarte, matagal ko nang hinihingi ito.
“Matagal ko nang ipinagdarasal na ‘Sana bigyan Ninyo ako ng acting piece talaga.’
“Yun po ang pinakahihingi ko. Gusto kong maipakita sa mga taong gagawin ko ang lahat para makaarte,” masayang pagbabahagi ni Rabin.
Matagal na raw niyang ipinagdarasal na magbida sa isang pelikula kaya labis-labis ang kasiyahan at pasasalamat ni Rabin.
“Parang kailan lang, ininterbyu ako. Sabi ko, ‘Sana ngayong taon na ito, magkapelikula ako.’
“Ibinigay sa atin ni Lord. Ibinigay rin ng mga boss, maraming-maraming salamat po sa kanilang lahat,” bulalas pa ng guwapong heartthrob.
Inihayag pa ni Rabin ang preparasyon niya para sa pelikula nila ni Angela.
“Sobrang dami kong binasa, sobrang dami kong pinanood, iba’t ibang serye. Iba’t ibang movie para maging isang wolf.
“Pinanood ko rin po yung movie pero hindi ko pinanood na buo kasi Song Joong Ki na yan, e.
“Sobrang solid ni Song Joong Ki, pero kailangan, may bago tayong ipakita.
“Hindi po natin dapat gayahin nang buo si Song Joong Ki.
“Talagang ang daming preparations. Binasa namin nang buo yung script. Ang daming isinukat na prosthetics.
“Talagang parang apat na oras po akong nagpo-prosthetics tapos sobrang daming paghahanda talaga para sa project na to,” kuwento pa ni Rabin.

(ROMMEL L. GONZALES)