• October 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BI, HINARANG ANG PASAHERONG MAY PEKENG DEPARTURE STAMP SA PASAPORTE SA PINAGHIHINALAANG TRAFFICKING SCHEME

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, isinailalim sa secondary inspection ang pasahero matapos mapansin ng primary inspector ang kahina-hinalang departure stamp sa kanyang pasaporte.

“Sinabi ng pasahero na natapos na niya ang mga proseso para sa kanyang pag-alis at nagpakilalang turistang bibiyahe patungong Malaysia,” ani I-PROBES Chief Leni Maminta.

Sa isinagawang pagtatanong, isiniwalat ng pasahero na nakipagkita siya sa isang umano’y contact sa loob ng NAIA Terminal 3 na kumuha ng kanyang pasaporte at boarding pass. Nang ibalik ang mga dokumento, mayroon na umanong nakakabit na pekeng departure stamp ang kanyang pasaporte.

Ayon sa pasahero, nangako ang isang indibidwal sa pamamagitan ng Telegram na tutulungan siya sa mga proseso ng immigration at pag-aayos ng mga dokumento sa paglalakbay. Iginiit niyang hindi niya alam na kasama sa naturang kasunduan ang paglalagay ng pekeng departure stamp sa kanyang pasaporte.

Sinabi din ng pasahero na na-recruit siya para sa trabahong customer service representative (CSR) at nakapanayam ng isang dayuhan bago ang kanyang nakatakdang pag-alis.

Sinabi rin niyang walang hininging bayad ang mga indibidwal na sangkot kapalit ng pagsasauli ng kanyang mga dokumento sa paglalakbay.

Sinuri ng BI Forensic Documents Laboratory ang pasaporte at kinumpirmang peke ang departure stamp.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa naiulat na modus at hinimok ang publiko na mag-ingat sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nag-aalok ng tulong sa mga proseso ng immigration o oportunidad sa trabaho sa ibang bansa.

“Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag sa mga alok na trabaho sa ibang bansa na inaasikaso ng mga hindi awtorisadong indibidwal. Maaaring malagay sa panganib ang mga aplikante at maging biktima ng human trafficking, illegal recruitment, o iba pang anyo ng pagsasamantala,” ani Viado.

 (Gene Adsuara )