Beermen magpapalit ng import
- Published on February 25, 2022
- by @peoplesbalita
BAGAMA’T impresibo ang inilaro ni import Orlando Johnson sa nakaraang 110-102 panalo ng San Miguel sa nagdedepensang Barangay Ginebra ay papalitan pa rin siya ng Beermen sa umiinit na PBA Governors’ Cup.
Ang five-year NBA veteran na si Shabazz Muhammad ang sasalo sa trabaho ni Johnson para palakasin ang tsansa ng San Miguel sa playoffs.
Ang 29-anyos na si Muhammad ay unang tinarget ng Meralco bago nakuntento kay Tony Bishop na nagdala sa kanila sa 5-1 record sa import-flavored conference.
Sa kanyang posibleng pinakahuling laro para sa Beermen (4-3) ay humakot si Johnson ng 31 points, 10 rebounds at 8 assists laban sa Gin Kings (3-4).
“I really just want to come back and play well. And I know the work that I put into the game, and I know it’s show in just a matter of time,” sabi ni Johnson na naglaro sa NBA para sa Indiana Pacers, Sacramento Kings, Phoenix Suns at New Orleans Pelicans.
Dadalhin naman ni Muhammad, ang No. 14 overall pick ng Utah Jazz noong 2013 NBA Draft bago dinala sa Minnesota Timberwolves, ang kanyang eksperyensa sa San Miguel.
Inaasahang ipaparada ng Beermen si Muhammad bukas sa pagsagupa nila sa Phoenix Fuel Masters sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.