Bebot, itinumba ng riding-in-tandem sa Valenzuela
- Published on June 16, 2025
- by @peoplesbalita
TUMIMBUWANG ang duguan at walang buhay na katawan ng 34-anyos na bebot nang ratratin ng naka-angkas sa isang motorsiklo habang naglalakad sa gilid sa Valenzuela City.
Onsehan sa droga ang nakikitang motibo ng pulisya sa nangyaring pamamaslang kay alyas “Jenny” residente ng Market Site, Guansing Street, Marulas, matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan
Sa pahayag ni alyas “Anthony” 42, dating kinakasama ng biktima, kay Valenzuela Assistant Chief of Police P/Maj. Jose Romero Hizon, ginastos at hindi umano nai-remit ng biktima sa isang alyas “Buchoy” ang drogang nagkakahalaga ng P25,000 noong Mayo 3.
Lumabas din sa pagsisiyasat na kakatagpuin sana ng biktima ang isang alyas “Jun-Jun” residente ng Tampoy St, Marulas, sa F. Bautista St. Dulo nang paslangin ng mga suspek sa kanto ng F. Bautista St. at Mc Arthur Highway, Marulas.
Kaagad na tinungo ng pulisya ang bahay ni alyas Jun-Jun subalit hindi na siya natagpuan.
Sa ulat ni Maj. Hizon, bukod kay Jun-Jun ay kabilang din sa mga persons-of-interest sa naturang pamamaslang si alyas Butchoy at ang kasalukuyang live-in partner ng biktima na hindi nabanggit ang pangalan matapos matuklasang nakababatang kapatid siya ni alyas Butchoy. (Richard Mesa)