Bawal ang pahinga kay EJ
- Published on July 28, 2022
- by @peoplesbalita
MULING makakaharap ni Pinoy pole vaulter Ernest John Obiena sina world record-holder Mondo Duplantis ng Sweden at American Chris Nilsen sa Kamila Skolimowska Memorial sa Chorzow, Poland sa Agosto 6.
Kagagaling lamang ng 6-foot-2 na si Obiena sa makasaysayang bronze medal finish sa World Athletics Championship sa Eugene, Oregon.
Lumundag si Obiena ng 5.94 meters para angkinin ang tanso na unang medalya ng Pilipinas sa world championships habang sina Duplantis at Nilsen ang kumuha sa ginto at pilak sa kanilang itinalang 6.21m at 5.94m, ayon sa pagkakasunod.
“It’s getting tough. It’s a bit of a contrasting spectrum of emotions,” wika ng Asian at Southeast Asian Games record-holder.
Ang Polish tournament ay bahagi ng pretihiyosong Wanda Diamond League Meet kasunod ang Hungarian Athletics Grand Prix sa Szekesfehervar, Hungary sa Agosto 8.
Ang nasabing mga bigating torneo ay bahagi ng paghahanda ni Obiena para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
“Mondo (Duplantis) is definitely a force to be respected, to be reckoned with, and Chris (Nilsen) is a competitor, and everybody else in the field, so if it’s gonna be a medal (in Paris Olympics), I can’t say,” ani Obiena. “Hopefully it will be a better case in Paris.”
Target din ng 26-anyos na pole vaulter ang malundag ang 6.00-meter height na madaling nakukuha ni Duplantis.