Bato hinamong magbitiw na lang sa puwesto
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
HINAMON ni Assistant Minority Leader at Kabataan Partylist Rep. Renee Louise Co si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magbitiw na lamang umano sa puwesto kung patuloy itong liliban sa kanyang trabaho sa Senado sa pagtatago sa batas.
“Kung mag-aabang lang si Sen. Bato na maaresto siya, maiging magbitiw na siya bilang Senador. Di natin dapat pasuwelduhan ang pagtakas sa pananagutan,” pahayag ni Co.
Sinabi ni Co kay Bato na tigilan na nito ang pagsasabing para sa patriyotismo ang kanyang ginagawa kung tatakas din lamang ito sa pananagutan sa batas kaugnay ng pagkakasangkot sa war on drugs sa panahon ng nakalipas na administrasyon.
“Nagtatago ka dahil mahal mo ang sarili mo hindi ang Pilipinas. Hindi naman ikinaligtas ng mangingisda natin mula sa panggigipit ng Tsina ang pagtatago mo mula sa hustisya”, ayon kay Co.
“Balewala ang pinaglaban ng mga bayani natin kung makakatakas sa pananagutan ang mga pinuno tulad mo na nanguna sa pagpaslang ng libu-libong kapwa mahihirap na Pilipino. Ang patriotism ay mula sa sakripsyo at serbisyo, hindi sa pagkapit sa puwesto,” ani Co.
Magugunita na simula ng isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may warrant of arrest na si Bato sa International Criminal Court (ICC) ay hindi na ito dumadalo sa sesyon at mga pagdinig ng Senado at hindi na rin pumapasok sa kanyang opisina. (Daris Jose)