Batang babae, binugbog ng ina ng kalaro, kritikal
- Published on January 29, 2025
- by Peoples Balita
KAAWA-AWA ang sinapit ng pitong taon gulang na batang babae matapos umanong pagbubugbugin ng husto ng nanay ng kanyang kalaro sa Caloocan City.
Nasa kritikal pa rin na kalagayan matapos isailalim sa maselang operasyon ang biktimang si alyas “Jenny” sa Camarin Doctor’s Hospital, sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, nakapiit naman ngayon ang suspek na si alyas “Rowella”, 30, na nahaharap sa kasong frustrated murder.
Lumabas sa imbestigasyon na nangyari ang insidente noong Biyernes ng hapon sa Brgy. 177 Urduja Village, habang nakikipaglaro ang biktima sa anak na babae ng suspek nang sa hindi malamang dahilan, bigla umanong kinaladkad ng ginang ang bata sa banyo at ilang ulit na inuntog sa inidoro, binuhat at inihampas ang katawan sa baldosa.
Natigil lang umano ang pambubugbog nang pumasok ang kapatid na lalaki ng suspek sa bahay makaraang marinig ang sigaw ng pamangkin at dito niya nakitang sumusuka na ng dugo, namamaga ang mukha, ang nakahandusay na biktima.
Agad ipinaalam ng lalaki ang pangyayari sa ama ng bata na siyang nagsugod sa wala ng malay na anak sa pagamutan habang dinakip naman ang suspek ng rumespondeng sina Pat Beverly Caguindagan at Pat Jesabeth Donato ng Hillcrest Police Sub-Station-8.
Ayon sa pulisya, mismong ang kalaro ng bata na anak ng suspek ang nagsalaysay kung papaano binugbog ng kanyang ina na umano’y may dati ng problema sa pag-iisip si ‘Jenny’. (Richard Mesa)