Baril, mga pampasabog nasamsam sa naarestong wanted na kriminal sa Caloocan
- Published on September 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKUMPISKA ng pulisya sa isang wanted na kriminal ang baril, granada at tatlong pillbox bomb matapos maaresto sa ikinasang operation sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling.
Bitbit ang dalawang warrant of arrest mula sa magkahiwalay na korte, sinalakay ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang bahay ng 30-anyos na akusado dakong alas-4:20 ng madaling araw sa Barangay 178, North Caloocan.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na may suot na body camera ang kanyang mga tauhan nang isilbi sa akusado ang naturang mga warrant of arrest.
Inilabas ang nasabing mga arrest warrant ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 126 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa at isa pa mula sa RTC Branch 127 para sa kasong homicide na may inilaang piyansang P120,000.
Hindi na nagsagawa ng paghahalughog sa bahay ng akusado ang mga pulis dahil lantad na sa kanilang paningin ang kalibre .38 revolver, granada, at mga pillbox bomb na pag-aari ng wanted na akusado.
Bukod sa kinakaharap ng mga kaso sa hukuman, sasampahan pa ng mga pulis ng reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Illegal Possession of Explosives ang akusado sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)