Barangay at SK election, tiniyak ngayong taon
- Published on June 12, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia na idadaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Dec. 1 ngayong taon.
Sa isang press conference sa Seda Hotel sa Bacolod City, sinabi ni Garcia na manu-manong bibilangin ang mga boto ng BSKE.
Si Garcia at iba pang opisyal ng Comelec ay nasa Bacolod para sa post-midterm elections assessment.
Ang BSKE voting ay magsisimula mula alas 7 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon sa Dec.1 ngunit magtatakda muli ang Comelec ng mas maagang voting hours para senior citizens persons with disabilities at mga buntis.
Sinabi ni Garcia na ang BSKE registration ng mga botante ay mula Hulyo 1 hanggang 11 at ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs) ay mula Oktubre 1 hanggang 7.
Nagbabala si Garcia na hindi papayagan ang premature campaigning kapag naghain ang mga kandidato ng kanilang COC sa campaign period na itinakda sa Nobyembre.
Nagbabala rin si Garcia na ang mga lokal na opisyal na sumusuporta sa mga kandidato sa barangay ay hindi rin maaaring maagang mangampanya at gumamit ng government resources o gumawa ng proyekto.
Ayon kay Garcia, magsasampa ng kaso ang Comelec laban sa mga sangkot sa premature campaigning. (Gene Adsuara)