BARANGAY AT SK ELECTION NAGHAHANDA NA
- Published on May 27, 2022
- by @peoplesbalita
MAGSISIMULA na ng paghahanda ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na buwan para sa December 2022 barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa kabila ng panawagan na ipagpaliban ito,sinabi ni Commissioner George Garcia ngayong Huwebes.
“Definitely this coming June, we will already start the ball rolling for the preparations for the barangay and SK elections. We cannot presume that Congress will not be proceeding with the elections. We still have to prepare. Napakahirap naman po kung bandang September, bigla na lang matutuloy pala tapos wala kaming paghahanda ”pahayag ni Garcia sa panayam ng ANC .
Ginawa ni Garcia ang pahayag kasunod ng pahayag ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na mahigit sa P8 bilyon ang mase-save kung ang barangay elections ngayon taon ay maipagpaliban.
Mungkahi ng mambabatas,ang nasabing halaga sa halip ay maaring gamitin sa pagtugon sa COVID-19 at economic stimulus at ayuda para sa mga naapektuhan ng pandemya.
Nauna na ring sinang-ayunan ni Garcia ang nasabing suhestyon pero aniya sila ay tatalima sa kung ano ang desisyon ng Kongreso sa usapin.
Aniya, ang P8.6 bilyong inilaan para sa 2022 barangay at SK elections ay nanatiling buo. .
“Until today, I can honestly tell you that intact po ang P8.6 billion. Wala pa po kaming releases from the DBM”, sabi ni Garcia
Binigyan diin din ni Garcia na ang voter registration ay nakatakda muling buksan sa July para sa nais magparehistro o reactivate.
Sisimulan na rin ng Comelec ang pag-imprenta ng ilang dokumento sa halalan, pagkuha ng mga kagamitan sa halalan, at pagsasanay sa mga manggagawa sa botohan. (CARDS)