BANTAYAN ANG MGA ANAK
- Published on March 12, 2020
- by @peoplesbalita
DUMARAMI ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa araw-araw na sa pinakahuling report, umabot na sa 49 ang kaso ng sakit, pero pagtitiyak ng Department of Health (DOH) na mahigpit ang ginagawa nilang pag-monitor sa mga nakahalubilo ng mga napaulat na nagpositibo sa COVID-19.
Marami naman ang nagtataka kung bakit bigla ang pagtaas at ang Metro Manila ang napuruhan. Ayon sa DOH, maraming naitala sa National Capital Region (NCR) dahil narito ang port of entry.
Isang magandang hakbang naman ang gina-wang pagsuspinde sa lahat ng antas ng klase sa Metro Manila. Mula Marso 10 hanggang 15 ay walang pasok na mismong si Duterte mismo ang nag-anunsiyo ng suspension, ito ay para mapigil ang pagkalat ng virus.
Ayon sa Presidente ‘pag natapos ang suspension ng klase at patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, muli raw silang magpupulong para pag-aralan ang mga susunod na hakbang. Ang mahalaga aniya ngayon ay nasa bahay ang mga bata para mailayo sa kumakalat na virus.
Nararapat namang bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak at baka sa halip na tumigil sa bahay ang mga ito ay magtungo sa mall o sa mga matataong lugar kasama ng mga kaklase o kaibigan. Lubhang mapanganib ngayon kaya nararapat gabayan ang mga anak.
Ginagawa ng pamahalaan ang mga kaukulang pag-iingat kaya nararapat namang gawin ng mga magulang ang papel para maingatan ang mga bata. Hindi na biro ang pagkalat ng COVID-19 na buong mundo na ang apektado.