Bangka tumaob: 26 patay, 40 nasagip
- Published on July 29, 2023
- by @peoplesbalita
NASA 26 katao ang nasawi makaraang tumaob ang isang pampasaherong bangka sa Laguna de Bay malapit sa Talim Island sa Binangonan, Rizal nitong Huwebes ng hapon.
Sa inisyal na impormasyon ng Philippine Coast Guard Sub-Station Binangonan, dakong ala-1 ng hapon nang tumaob ang MBCA Princess Aya, may 30 yarda ang layo sa Talim Island sa Barangay Kalinawan sa bayan ng Binangonan.
Hinampas umano ng unos o malakas na hangin at buhos ng ulan ang bangka dahilan para mag-panic ang mga pasaherong sakay nito at nagpuntahan sa kaliwang bahagi ng bangka sanhi para maputol ang katig nito at tumaob.
“They went to the port side of the motorbanca, causing it to capsize,” ayon sa PCG.
Nasa 26 bangkay ang unang narekober habang 6 pa ang nawawala. Apatnapu naman ang nasagip at mayroong pang nawawala.
Sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, nakatutok sila ngayon sa retrieval operation at inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng mga narerekober na katawan.
Isa sa tinitingnan na sanhi ng paglubog ng bangka ay overloading at ang hindi pagsusuot ng life vest/jacket ng mga pasahero ng bangka. Ayon pa sa lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRMMO), nasa 22 lang ang nakalagay sa manipesto ng bangka.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) ay Wala na umanong storm signal sa bayan ng Binangonan at hindi na rin kalakasan ang alon kaya pinayagan nang makapaglayag ang mga bangka na tumatawid mula sa Port of Pritil sa bayan ng Binangonan patungo sa Talim Island. (Daris Jose)