Bagong strain ng COVID-19 binabantayan ng DOH
- Published on December 23, 2020
- by @peoplesbalita
Binabantayan na ng Department of Health (DOH) ang nai-report na bagong strain ng COVID-19 sa United Kingdom na nagresulta upang magpatupad ang iba pang European countries ng restrictions sa mga biyahe mula sa UK.
“According to Research Institute for Tropical Medicine (RITM), wala pa silang nakikitang bagong strain na mayroon dito sa ating bansa, based on their monitoring,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vergeire na hindi nagpapabaya ang DOH at patuloy nilang tututukan ang development ng coronavirus sa ibang bansa para makapaghanda agad ng aksyon ang pamahalaan.
Siniguro rin ni Vergeire na walang pangangailangan upang magpatupad ng mas istriktong travel restrictions dahil ang pinapayagan lamang sa bansa ay ang pagpasok ng mga diplomats, indibidwal na may negosyo sa Pilipinas at mga Filipino citizen.
Mas pinalakas din naman aniya nila ang mga hakbang na kanilang mga ipinatutupad sa pagsusuri at quarantine sa mga boarders ng bansa.
Nitong Sabado kinumpirma ng UK government na may bagong strain ang sakit. Tinawag itong “VUI – 202012/01,” na unang natukoy noong Setyembre.
Bagama’t wala pang ebidensya na mas nakakamatay ang bagong strain ng coronavirus, pinaniniwalaan namang mas nakakahawa ito ng hanggang 70%. (ARA ROMERO)