BAGONG POLISIYA NA MAGBABAWAL SA PAG RENEW NG PRANGKISA NG MGA BULOK NA PUV, BINUBUO NA NG LTFRB
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
KASALUKUYANG gumagawa na ng bagong polisiya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Giovanni Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), na magbabawal sa pag-renew ng prangkisa ng mga bulok na pampublikong sasakyan (PUV) sa buong bansa.
Binanggit ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na layunin ng hakbang na ito na mapabuti ang sistemang pampublikong transportasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang maaasahan at komportableng biyahe para sa mga Pilipinong mananakay.
“Magpapatupad tayo ng bagong proseso ng kumpirmasyon. Wala po tayong iko-confirm na prangkisa kung sira-sira ang sasakyan,” ani Chairperson Mendoza.
Ibinahagi ni Chairperson Mendoza ang kanyang sariling karanasan at mga reklamo ng publiko hinggil sa kalagayan ng mga pampasaherong bus at jeepney—kasama na ang mga modernong jeepney. Isinalaysay niya na minsang nakasakay siya sa isang jeepney sa Visayas na may malaking butas sa gitna ng sahig ng pasahero, habang ang ilan namang jeepney sa Metro Manila ay may sirang at maruruming upuan.
Dagdag pa niya, may mga drayber na nakikitang naka-sando, shorts, at tsinelas habang nagmamaneho.
“Hindi nararapat na maranasan ng mga Pilipinong mananakay ang ganitong uri ng transportasyon. Dapat silang igalang,” ani Mendoza.
Ang LTFRB ay magsasagawa ng mas agresibong reporma na magsisimula sa mas mahigpit na inspeksyon at pagmamanman sa kalagayan ng mga PUV—mula jeepney at taxi hanggang pampasaherong bus.
“Kami sa LTFRB ay inatasan ng batas na i-regulate ang pampublikong transportasyon sa bansa, tiyakin ang road worthiness, masiguro na ang mga drayber ay may sapat na kakayahan at pagsasanay, at garantisado ang kaligtasan, kahusayan, at kaginhawaan ng ating mga pasahero,” paliwanag ni Mendoza.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng paradigm shift sa paraan ng regulasyon sa transportasyon, at sinabi na tatalakayin ng Board at mga opisyal ng LTFRB ang mga panukala upang makabuo ng malinaw na gabay sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito. (PAUL JOHN REYES)