BAGONG LIVELIHOOD AREA SA CALOOCAN CITY JAIL, BINUKSAN PARA SA PDLs
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
BINUKSAN ng Caloocan City Jail ang kanilang bagong Livelihood Area para sa benepisyo ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na magbibigay-daan sa kanila na magkaroon ng mas disente at komportableng espasyo para magsagawa ng kanilang mga aktibidad sa kabuhayan.
Ang nasabing proyekto ay naging posible sa pamamagitan ng pagsisikap ng Caloocan City Local Economic and Investment Promotion Office (LEIPO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bank of the Philippine Islands (BPI), na layong palakasin ang umiiral na rehabilitative ngunit income-generating na gawain na ginagawa ng mga PDL tulad ng paper crafting, hair styling, at paggawa ng basahan at katutubong bag.
Pinuri naman ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pakikipagtulungan ng mga pampublikong ahensya at pribadong entity upang lumikha ng higit pang mga pagkakataon para sa mga mahihinang miyembro ng komunidad, at gayundin ay pinagtibay ang pangmatagalang pangako ng lungsod sa holistic at restorative justice.
“Nagpapasalamat po tayo dahil sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng BPI na mas palakasin ang kakayahan ng mga PDL na matulungan ang kanilang mga pamilya sa kabila ng kanilang sitwasyon,” ani Mayor Along.
“Gaya po ng lagi kong sinasabi, hindi tayo magaatubili na ipatupad ang batas laban sa mga lumalabag dito, pero hindi rin natin nakalilimutan ang ating responsibidliad na pairalin ang due process at tamang hustisya para sa lahat, kabilang na ang mga PDL,” dagdag niya. (Richard Mesa)