Bagong EO ni PBBM, magpapalakas at magpapatibay sa karapatan, kalayaan ng mga manggagawa na bumuo ng unyon
- Published on September 24, 2025
- by @peoplesbalita
NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 97, na magpapalakas at magpapatibay sa karapatan ng mga manggagawa na malayang bumuo ng unyon, sumama sa mga asosasyon at sumama sa mga mapayapang napagkasunduang aktibidad nang walang pangamba ng ‘harassment.’
Tinintahan araw ng Lunes, in-adopt ng kautusan ang Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties, inaatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa na nakaayon sa Saligang Batas ng Pilipinas at international labor standards.
Tugon din ito sa rekumendasyon ng High-Level Tripartite Mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO) na nagpaigting ng alalahanin sa ‘karahasan, red-tagging, at pagsupil sa trade union rights.’
Inirekomenda rin ng HLTM ang agaran at epektibong aksyon, kabilang na ang pag-iwas sa karahasan na may kinalaman sa lehitimong union activities; pagsisiyasat at pananagutan para sa mga gawa ng karahasan laban sa mga union members; pagpapatakbo ng monitoring bodies; at pagtiyak na ang lahat ng mga manggagawa, walang pagtatangi, maaaring malayang bumuo at sumama sa mga organisasyon na kanilang napili.
Sa ilalim ng EO 97, ang mga mahahalagang ahensiya ay kinabibilangan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Justice, Department of National Defense, Department of Trade and Industry, the Armed Forces of the Philippines (AFP), the Philippine National Police (PNP), at National Security Council— inatasan na iayon ang kanilang polisiya at operasyon sa guidelines.
Ang DOLE, sa pamamagitan ng National Tripartite Industrial Peace Council, ang siyang magmo-monitor ng implementasyon at pagtalima, habang ang Inter-Agency Committee na nilikha noong 2023 ay magbibigay ng periodic reports sa Office of the President (OP).
Ang mga Government agencies ay kinakailangan na isama ang guidelines o alituntunin sa kanilang pagsasanay, operasyon at informational materials upang matiyak ang ‘uniform application.’
Samantala, ang Local government units at pribadong sektor ay hinikayat naman na palawigin ang buong kooperasyon.