Bagong Bahay, Bagong Buhay para sa Pamilyang Valenzuelano, Disiplina Village Arkong Bato, pinasinayaan
- Published on February 14, 2026
- by @peoplesbalita
BILANG bahagi ng pagdiriwang ng lungsod sa ika-28 Charter Day nito, pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, ang Phase 1 hanggang 3 ng Disiplina Village Arkong Bato sa M. H Del Pilar Street, Barangay Arkong Bato na minarkahan ang isa pang milestone sa in-city housing program ng lungsod.
Ang Disiplina Village Arkong Bato ay nagtatampok ng apat na palapag na residential building na may kabuuang 336 na housing units. Sa panahon ng seremonya ay pormal na ipinamahagi sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ang Certificates of Award bilang mga bagong may-ari ng bahay sa ilalim ng pangunahing inisyatiba ng pabahay ng lungsod.
Naisakatupatan ang Disiplina Village Arkong Bato sa suporta ng National Housing Authority (NHA) at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na ika-apat na in-city housing relocation project ng lungsod, kasunod ng Disiplina Village Ugong, Bignay, at Lingunan.
Pangunahing inilaan ang proyekto sa mga pamilyang biktima ng sunog at Informal Settler Families (ISFs) na dating nanirahan sa mga mapanganib na lugar, kabilang sa tabig ilog at sa ilalim ng transmission line.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor WES “Gusto nating makilala ang Valenzuela hindi lamang lugar kung saan nakikita ang mga naglalakihang mga pabrika, kundi makilala bilang isang liveable city. Ngayon ay matutunghayan natin ang isang panibagong kasaysayan sa pag inaugurate natin ng Disiplina Village Arkong Bato. Gusto natin maging isang lugar na hindi lamang trabaho ang meron, may pabahay, edukasyon, malakas na sistema ng gobyerno, healthcare, at peace and order para tayo ay matawag na ganap na liveable city.”
Binigyang-diin nito ang patuloy na misyon ng pamahalaang lungsod na magbigay ng disente, abot-kaya, at ligtas na pabahay para sa mga Valenzuelano.
Dumalo rin sa kaganapan sina DHSUD Secretary Jose Aliling, NHA General Manager Joeben Tai, Vice Mayor Marlon Alejandrino, City Council, at Barangay Arkong Bato Punong Barangay Alvin Feliciano Jr.
(Richard Mesa)