• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bago pa dumating para sa concert nila sa June 27…JERRY, VANNESS, VIC at ASHIN, nag-donate ng 5 milyon sa mga biktima ng lindol sa Mindanao (ni: ROHN ROMULO) 

MAGKAKAROON ng concert ngayong June 27, Sabado sina Jerry Yan, Vanness Wu, Vic Chou kasama si Ashin ng Mayday, ang “F✦FOREVER” 1st World Tour in Manila sa Philippine Arena sa Bulacan. 

Pero, bago pa man sila dumating sa bansa, napakabongga nang kanilang ginawa.

Nag-donate silang apat sa pamamagitan ng GMA Kapuso Foundation’s Operation Bayanihan para sa mga sa Mindanao Earthquake victims. Umaasa sila na sa pamamagitan ng kanilang donasyon na 2.5 million pesos, makakatulong ito para sa mga naapektuhan at rehabilitation din ng lugar. 

Bukod dito nag-donate din sila sa ABS-CBN Foundation’s Sagip Kapamilya ng 2.5 million pesos, kaya may kabuuan itong 5 million pesos.

O, ‘di ba, lalong ipinaramdam, lalo na ng tatlong member ng F4 kung gaano nila kamahal ang bansang Pilipinas.

Siyempre, naging malaking bahagi rin ng career nina Jerry, Vanness at Vic ang bansa. As in, phenomenal ang naging kasikatan at pagtanggap sa F4 sa kanilang Asian hit series noong early 2000, ang “Meteor Garden.”

‘Yun nga lang, hindi buo ang F4 dahil wala si Ken Chu. Si Ashin ang naging daan kung bakit nabuong muli ang F4, pero siyempre, hindi naman niya mapapalitan si Ken sa grupo.