• February 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bagay talaga dahil sa matinding chemistry… KYLE, nagpakilig kasama si KAI sa matagumpay na Ilocos Sur Festival

SUPER enjoy sina Kyle Echarri at Kai Montinola sa Ilocos Sur Festival 2026.
12 days na pagdiriwang ito na tinawag na ONE Ilocos Sur.
Marami ang kinilig sa dalawa. Grabe raw ang chemistry nang magsama sila sa entablado, dahil todo ang binigay nilang saya.
Bagay raw ang KyleKai na ngayon ay magkasama sa seryeng ‘Roja.’
Sa loob ng labindalawang makulay at makabuluhang araw ng pestibal, pasabog ito dahil nakisaya rin sina Maris Racal, Catriona Gray, Arthur Nery, Adie, Yeng Constantino, Flow G atbp.
Samantala, ipinamalas ng Ilocos Sur Festival 2026 ang tunay na diwa ng pagkakaisa, kultura, pananampalataya, at kasiyahan sa buong lalawigan.
Sa temang ‘the people’s celebration’,
pinatunayan ng pagdiriwang na ang lakas ng probinsya ay nagmumula sa sama-samang pagkilos ng mamamayan—mula sa mga magsasaka at mangingisda hanggang sa kabataan at mga balikbayan.binuksan ang pista sa pamamagitan ng trade and food fair na nagbigay-pugay sa husay at pagkamalikhain ng mga lokal na negosyante at artisan
Tampok dito ang mga makabagong produkto at kompetisyon na nagpakita ng sigla ng micro, small, and medium enterprises ng lalawigan.
Sinundan ito ng isang banal at makabuluhang eucharistic celebration at los patrones procession na pinangunahan ni David William V. Antonio, na nagbuklod sa mga Ilokano sa iisang pananalig.
Isa sa mga tampok na kaganapan ang grand parade at grand opening sa Quirino Stadium, na dinagsa ng humigit-kumulang 40,000 katao.
Namukod-tangi ang mga naglalakihang floats ng iba’t ibang bayan habang nagbigay-aliw sina Kai at Kyle sa engrandeng opening.
Binigyang-halaga rin ang agrikultura sa Agri Day. Pinarangalan ang mga magsasaka at mangingisda bilang haligi ng ekonomiya.
Samantala, ipinagdiwang ang pagbabalik ng mga Ilokanong nasa ibayong-dagat sa “An Evening with the Balikbayans,” na ginanap sa Chavit Coliseum.
Naging makulay rin ang pagdiriwang sa pamamagitan ng iba’t ibang kompetisyon tulad ng Cosplay at Esports na isa sa hurado ay si Myrtle Sarrosa.
Nagkaroon din ng Tinnatoan: tattoo expo na nagbigay-pugay sa tradisyunal na batok ng mga inapo ni Apo Whang-od.
Kabugan din sa Mister at Miss Ilocos Sur, Pride Queen, Street Dance and showdown competition na nilahukan ng mga guest artists gaya nina Maris Racal at Paul Salas.
May mga pakulo rin gaya ng Gen Z-arzuela, Motocross, Bangkarera, at Battle of the Bands.
Ang Miss Ilocos Sur 2026 ay pinangunahan ni Catriona Gray bilang host, na lalong nagbigay ningning sa gabi ng koronasyon.
Hindi rin nakaligtaan ang serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng One Ilocos Sur health Caravan at ang pagkilala sa mga natatanging mamamayan sa Pammadayaw: Father Jose Burgos Award.
Nagkaroon din ng tribute to elderlies bilang pagpupugay sa mga nakatatanda na naging pundasyon ng kultura at kasaysayan ng lalawigan.
Tinapos ang pagdiriwang sa isang Thanksgiving Mass at sa makulay na One Ilocos Sur Night concert tampok sina Arthur Nery, Yeng constantino, atbp.
Sinabayan ng engrandeng fireworks display. Umabot sa milyon-milyong online views ang mga kaganapan, patunay ng malawak na suporta at partisipasyon ng publiko.
Sa kabuuan, ang Ilocos Sur Festival 2026 ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isang makapangyarihang patunay na kapag nagkaisa ang mamamayan—sa kultura, serbisyo, at pananampalataya—ang buong lalawigan ay tunay na nagiging isa.