• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:00 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Badyet para sa Farm-to-Market Roads at Rice Competetiveness Enhancement Fund, pinabubusisi

NAGSAGAWA ng piket ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), AMIHAN National Federation of Peasant Women at mga magsasaka sa harap ng Kongreso kasabay ng pagdinig sa badyet ng Department of Agriculture (DA) kahapon Lunes, Setyembre 15.

Tinutukan ng mga magsasaka ang P16-bilyong pondo para sa Farm-to-Market Roads (FMR) sa 2026, sa gitna ng higit 36,000 kilometrong backlog na katumbas ng P300 bilyon. Ayon sa datos ng DA, umaabot sa P15 milyon ang halaga bawat kilometro ng FMR, ngunit libo-libong kilometro pa rin ang hindi natatapos. Kagaya sa mga ghost flood control projects, kailangan maisiwalat kung nasaan ang mga “ghost roads” na pinopondohan mula sa buwis ng taumbayan.

Kasabay nito, hihilingin din ng KMP ang pagbusisi sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na pinalaki mula P10 bilyon tungong P30 bilyon kada taon ngunit mababa ang paggamit at delayed ang pagbibigay ng pondo sa magsasaka. Mula sa 86% utilization noong 2020 bumagsak sa halos 29% pagsapit ng 2023. Nanawagan ang mga magsasaka ng malinaw na ulat kung saan napupunta ang bilyon-bilyong pondo at kung paano ito direktang nakikinabang sa kanila.

“Bawat pisong inilaan sa FMR at RCEF ay dapat mapunta sa magsasaka at sa produksyon ng pagkain, hindi sa korapsyon,” giit ng KMP.

Hihilingin din ng grupo na ang P260 bilyong badyet para sa flood control na nakalagay pa rin sa NEP 2026 ay ilipat o ilaan para sa pondo para sa production subsidy o ayuda sa mga magsasaka at mangingisda. (Vina de Guzman)