• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Babala ng mga eksperto: Pagbabawal ng Online Gaming, Maaaring Magresulta sa Mas Malaking Black Market   

NAGBABALA ang isang kilalang legal na eksperto na maaaring lalong lumala ang epekto ng iresponsableng pagsusugal kung isasabatas ang pagbabawal sa online gaming, at maaaring magresulta ng ilegal na operasyon ng sugal.

Sa 15-pahinang memorandum na inilabas ni Atty. Tonet Quiogue, pinuno ng kilalang technology consulting firm na Arden Consult, sinabi niyang kung tuluyang ipagbabawal ang online gaming, isinusuko rin ang kakayahang kontrolin ang ilegal na pagsusugal at mga negatibong epekto nito.

“Alam ng mga may malalim na pag-unawa sa industriya na ang tunay na kalaban ay ang ilegal na pagsusugal, gaya ng mga operasyong walang regulasyon, mga hindi nagbabayad ng buwis, at walang proteksyon sa mga manlalaro,” paliwanag ni Quiogue sa kanyang memorandum.

 “Kung nais talagang wakasan ng mga mambabatas ang mga suliraning dulot ng pagsusugal, ang lohikal na hakbang ay ang eksaktong pagtugis sa mga ilegal na operasyon, hindi ang pagbuwag sa buong industriya at pagpaparusa sa mga lehitimong kalahok.”

Nababala si Quiogue matapos ang sunud-sunod na panukalang batas mula sa ilang mambabatas, kabilang ang pinakahuling Senate Bill na inihain ni dating Senate President Migz Zubiri. Ngunit tinutukan ni Quiogue ang mga panukala nina Senators Pia at Alan Cayetano, Joel Villanueva, at Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Quiogue, inilalarawan ng mga preambular at mga whereas clause ng mga naturang panukala ang pagsusugal bilang likas na ilegal na aktibidad, na tuwirang iniuugnay sa pandaraya, money laundering, at human trafficking. Binigyang-diin ni Quiogue na walang sapat na ebidensiya upang patunayan ang mga paratang na ito.

Dagdag pa ni Quiogue, hindi isinasaalang-alang ng mga panukala ang mahigpit na legal na pamantayang ipinapatupad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bago mabigyan ng lisensya ang isang gaming operator.

“Bago pa ilunsad, kailangang makapasa sa independent certification para sa pagiging patas at seguridad ang lahat ng software at hardware ng isang lisensyadong online platform,” ani Quiogue, binanggit ang masusing pag-audit at compliance checks ng PAGCOR. “Ang mga kahina-hinalang aktibidad gaya ng malalaking iregular na pusta o kakaibang payouts ay mabilis na natutukoy at naimbestigahan. Dahil dito, napakahirap gamitin ng mga kriminal ang mga lisensyadong platform para sa money laundering o pandaraya.”

Dahil dito, binigyang-diin ni Quiogue na ang ideya na ang mga regulated gaming platforms ay konektado sa ilegal na aktibidad ay hindi lamang maling pananaw kundi mapanganib pa, lalo na’t ang tunay na ilegal na aktibidad ay nangyayari kapag walang regulasyon at kontrol.