Babae, inaresto sa paggamit sa anak sa online show
- Published on April 19, 2024
- by @peoplesbalita
INARESTO ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang isang babae na ginagamit ang kanyang menor de edad na anak para sa online sexual show at exploitation.
Nag-ugat ang operasyon mula sa idinulog na kaso ng Department of Justice Office of Cybercrime (DOJ-OOC) laban sa isang babae na umano’y ginagamit ang kanyang mga menor de edad na anak para sa isang palabas sa online.
Dahil dito, noong April 12, 2024 ay nagsagawa ng entrapment operation at pagsisilbi ng WSSECD ang pinagsamang pwersa ng NBI-HTRAD at NBI-Northeastern Mindanao Regional Office (NBI-NEMRO) kasama ang NBI-Digital Forensics Laboratory laban sa suspek sa kanyang bahay sa San Luis, Gingoog, Misamis Oriental.
Dito naaktuhan ang suspek sa aktong inaalok nito ang kanyang mga anak sa isang online sexual show kapalit ng pera.
Sa nasabing operasyon, ni-rescue ang tatlong menor de edad.at kasalukuyang nasa-kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasong paglabag sa R.A. 11930 (Anti- OSAEC at CSAEM Act), R.A. 9208 as amended ng R.A. 10364 at further amended ng R.A. 11862 (Anti-Trafficking in Persons Law) in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Law), R.A. 7610 (Child Abuse Law), at Rape by Sexual Assault.laban sa naarestong suspek. GENE ADSUARA