• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ayudang pangkabuhayan, ipinamahagi ni Cong. Egay sa Caloocan

MAHIGIT 600 pamilya mula sa iba’t ibang barangay ng ikalawang distrito ng Lungsod ng Caloocan ang nabiyayaan ng programang pangkabuhayan ni Congressman Egay Erice.

Sa nasabing programa, sa halip na cash ang ayudang ibinibigay sa mga karapat-dapat na pamilya ay negosyo package ang ipinagkakaloob.

Tinutulungan ni Erice ang mga kinakapos na pamilya na residente ng distrito 2 na makapag-umpisa ng kahit maliit na sari-sari store kung saan sa halip na cash ay produktong maaring itinda ang kanyang ibinibigay ng sa ganung paraan ay magkaroon ng pagkakitaan ang mga ito.

Ayon kay Cong. Erice, ang ganitong paraan ay mas makakatulong sa kinakapos na pamilya ng hindi laging aasa sa bigay na ayuda.

Layunin din ng nasabing programa na matuto o maturuan ang mga ito na mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

“Gusto ko na dumating ang panahon na hindi na kailangan lumapit sila sa akin o sa ibang pulitiko dahil kinakapos sila, mas masarap sa pakiramdam na pasyalan nila ako at ibalitang maayos na sila at hindi na kinakapos dahil sa ayudang ating naipagkaloob.” ani Erice.

Hinikayat din ni Erice ang mga may bahay na walang hanapbuhay na bumuo ng limang ginang ng tahanan na magkakapitbahay at kanyang tutulungan ang mga ito na makapagtayo ng laundry shop kung saan sya na ang bahala sa mga machine na kakailanganin.

“Ang gagawin lang nila ay pagtulungan nilang mapaunlad ang maitatayong laundry shop na ibibigay sa bawat grupo ng mga misis na mapagkukunan nila ng pagkakakitaan, kung cash kasi ang ibibigay natin sandali lang maubos yun dahil walang pinagkakakitaan, hindi tulad ng ganitong paraan mas matututo sila kung paano kumita.” dagdag ni Erice. (Richard Mesa)