Ayuda sa mga Bulakenyong magsasaka, pinangunahan ni Fernando
- Published on March 10, 2020
- by @peoplesbalita
LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga kagamitan sa pagsasaka sa ginanap na “Distribution of STW and Assorted Vegetable Seeds for Farmers Affected by Water Shortage” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Tumanggap ng tig-isang shallow tube well ang may 39 Farmers’ Cooperative Associations (FCAs) mula sa 10 munisipalidad kabilang ang Lungsod ng Malolos, Bulakan, Calumpit, Paombong, Balagtas, Bocaue, Bustos, Guiguinto, Pandi at Plaridel.
Gayundin, 10 kooperatiba na kabilang sa FCAs ang pinagkalooban ng tig-isang water pump mula sa National Irrigation Administration.
Nagpamahagi din ang Provincial Agriculture Office ng mga sari-saring buto ng gulay sa mga magsasakang apektado ng kakulangan ng irigasyon tulad ng buto ng talong, kamatis, ampalaya, patola, siling panigang okra, pechay, kalabasa, upo, sitaw at siling pula upang kanilang mapagkakitaan.
Samantala, nanawagan si Fernando sa mga nasa sektor ng pagsasaka na magkaisa at magtulungan lalo na sa oras ng kagipitan.
“Huwag po nating pabayaan ang mga makinaryang ito. I-share po natin sa ibang grupo at magkaisa po tayo. Kailangan natin ng pagkakaisa at makakaasa naman po kayo na kami sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, gayundin ang opisyales ng inyong mga munisipyo ay nakasuporta sa inyo,” anang punong lalawigan.
Kaalinsabay nito, nagkaloob ang Department of Agriculture sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office ng ayuda sa may 227 backyard raiser na apektado ng African Swine Fever mula sa bayan ng Guiguinto sa ginanap na ASF Indemnification Program. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)