• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

atutsada ni VP Sara sa kawalan ng agarang aksyon ni PBBM sa flood control mess, niresbakan ng Malakanyang

NIRESBAKAN ng Malakanyang ang patutsada ni Vice President Sara Duterte sa kawalan ng agarang aksyon at pagtugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa flood control mess at mas pinili nitong hintayin na lamang ang magiging imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Unang-una po, hindi po natin alam kung siya po ba ay matagal na nag-stay sa isang kuweba at hindi niya nalalaman ang mga nagaganap at hindi niya nalalaman kung ano iyong agarang isinasagawa ng ating Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Siguro po kakailanganin niya na po ng mataas na grado na salamin o kaya hearing aid para madinig niya kung anuman ang lahat ng ginagawa at mga inuutos ng Pangulo sa mga law enforcement agencies sa mga investigating bodies, kasama na po ang pagbuo ng ICI,” aniya pa rin.
Sa ulat, sinabi kasi ni VP Sara na “Kung ikaw. Presidente ka, tapos alam mo na kung anong nangyayari, makikita mo na, based on the budget, kung paano binababoy iyong  pera ng bayan, mag-aantay ka ba pa ng Commission o Truth Commission on ano pang Commission?.” “Aksyunan mo dapat agad ‘yan.” nang tanungin ang Bise-Presidente sa naging pagharap nito sa House Committee on Appropriations hearing ukol sa panukalang P901 milyong budget para sa 2026 ng Office of the Vice President (OVP).
“Uulit-ulitin po natin, dahil paulit-ulit naman po lamang ang sinasabi na isyu ng Bise Presidente: Ang pag-iimbestiga po ay hindi po kailangang isang araw lang. Hindi po naniniwala ang Pangulo sa isang EJK-style, walang imbestigahan, libingan ang hantungan. Ang gusto ng Pangulo, due process. At hindi po dapat lamang na puro salita or kaya pangako. Matatandaan natin na may nangako noong nakaraang administrasyon, tatlong buwan hanggang anim na buwan ay masusugpo ang korapsyon,” ang litaniya ni Castro.
At kung mayroon man aniyang sistema ang Bise Presidente kung paano agarang masusugpo ang korapsyon na ito, sana aniya ay hiniling niya na rin ito at ibinigay sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
” Pero bakit hindi kaya? Siguro ito ang dahilan kung bakit hindi rin nasugpo ang korapsyon noong panahon ng nakaraang administrasyon dahil umamin mismo ang dating Pangulo na siya mismo ay korap; inamin niyang nagnanakaw siya pero naubos na,” ayon kay Castro.
“So, ito pong article na ito ay 2017 halos mahigit isang taon na ang nakaraan after siyang mangako na tatlong buwan hanggang anim na buwan matatapos ang korapsyon. Sasabihin natin kung ano ang sinabi niya rito, and I quote,”Hindi ako nagmamalinis, marami rin akong nanakaw pero naubos na so wala na.”So, 2017 ito, sana naibigay na rin niya sa kaniyang ama kung paano agarang masusugpo ang korapsyon,” aniya pa rin. (Daris Jose)