Assassination plot laban kay Digong Duterte, walang basehan – Malakanyang
- Published on March 26, 2025
- by @peoplesbalita
WALANG basehan ang tila pinangangambahan ni Vice-President Sara Duterte na security threats laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sakali’t mapabalik ang huli sa bansa.
Si Digong Duterte ay kasalukuyang nakaditine sa International Criominal Court (ICC) detention center dahil sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinagot ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang tila ginawang pagkukumpara ni VP sara sa kanyang ama na si dating Pangulong Duterte kay kay dating Senador Ninoy Aquino kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas
Napaulat kasi na bahagi ng naging talumpati ni Vice-President Sara Duterte sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands ay ang naging tugon nito sa kanyang ama nang tanungin siya kung maiuuwi pa siya ng Pilipinas.
“Magiging Ninoy Aquino Jr. ka…” ang babala ni VP Sara sa kanyang ama na si dating Pangulong Duterte sabay sabing maaaring magaya ito kay dating Senador Ninoy Aquino kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas
Nagpahayag ng pag-aalinlangan at pagdududa si Castro sa pangamba na inihahayag ngayon ng pamilya Duterte, hayagang kinuwestiyon ni Castro ang pinagmulan ng kuwento.
Tinukoy din ni Castro ang naging pahayag ni VP Sara na may banta sa kanyang buhay noong kasagsagan ng girian nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Castro na wala ngang naipakitang ebidensiya si VP Sara sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa security risks sa kanya at sa kanyang ama.
“So, saan lamang po ito nakukuha, kailangan po natin kasi na mga materyales na mga ebidensiya bago po magsagawa ng ganitong mga klaseng statements, wala pong katotohanan iyan,” diing pahayag ni Castro. (Daris Jose)