ASIAN GAMES 2023 MEDALISTS, makatatanggap ng Presidential citation at cash incentives
- Published on October 27, 2023
- by @peoplesbalita
ISANG grand welcome at awarding ceremony ang naghihintay sa mga Filipino medalists ng 2023 Asian Games, mamayang gabi, araw ng Miyerkules, Oktubre 25.
Ang nasabing event ay tinawag na ‘Gabi ng Parangal at Pasasalamat Para sa Bayaning Atletang Pilipino’.
Ang Office of the President (OP) sa pakikipagtulungan sa Presidential Communications Office, ang magho- host ng nasabing selebrasyon na gaganapin sa Rizal Memorial Coliseum.
Ang naturang event ay isang “special recognition” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang pagkilala sa sakripisyo at pagdiriwang sa tagumpay ng mga tinatawag na “modern-day heroes” na nag-uwi ng karangalan, papuri at saya sa mga kapwa Filipino.
Sa kabilang dako, makatatanggap naman ang lahat ng 33 Filipino medalists ng Presidential Citation bilang pagkilala sa kanilang ipinamalas na kahusayan at achievements sa kani-kanilang mga sports sa kamakailan lamang na nagtapos na 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.
Sa gayong paraan, tataas ang interest at kamalayan ng mga kabataan at iba pang aspiranteng atletang Filipino sa ‘sports.’
Ang bawat medalists ay makatatanggap ng insentibo mula sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), may kabuuang P19.1 milyong piso. May karagdagang insentibo naman mula sa Office of the President, umaabot sa halagang P22.8 milyong piso.
Samantala, makakasama naman ng Asian Games 2023 medalists ang kani-kanilang mga pamilya sa naturang event.
Ang mga estudyante o mga mag-aaral mula sa iba’t ibang eskuwelahan, kolehiyo at unibersidad sa Kalakhang Maynila ay magpapartisipa sa musical celebration na may kasamang pagganap ng Konsyerto sa Palasyo artists at musicians.
“The medals received by our athletes during the Asian Games 2023 are a testament to the fact that Filipinos in the international sports arena are truly world-class. The government aims to continue supporting our athletes in many more international sporting events as we work together towards a Bagong Pilipinas,” ayon sa Malakanyang. (Daris Jose)