Armadong kelot na gumagala sa Caloocan, timbog
- Published on April 17, 2025
- by @peoplesbalita
Sa loob ng rehas na bakal magbabakasyon ang isang lalaki matapos maaktuhan ng mga pulis na may bitbit na baril habang gumagala sa Caloocan City. Sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Omnibus Election Code ang 39-anyos na suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Sa tinanggap na ulat ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), nagsasagawa ng regular anti-criminality operations ang mga tauhan ng Bagong Silang Police Sub-Station 13 sa Barangay 176B, Bagong Silang. Dito, natiyempuhan ng mga pulis ang suspek na gumagala sa lugar at may bitbit umanong baril dakong alas-2:00 ng madaling araw kaya agad nila itong nilapitan sabay nagpakilalang mga pulis bago kinumpiska ang hawak na armas. Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nakuha sa kanya na isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala ay walang naipakita ang suspek, dahilan upang bitbitin siya ng mga pulis sa selda. Ani Gen. Ligan, ang NPD ay nananatiling matatag sa pangako nitong panatilihing ligtas ang mga komunidad sa pamamagitan ng aktibong pagpapatrolya at agarang pagtugon ng pulisya. “Binibigyang-diin ng insidenteng ito ang pagbabantay at kahandaan ng mga tauhan ng NPD sa pagpigil sa mga posibleng banta sa kaligtasan ng publiko,” dagdag niya. (Richard Mesa)
https://peoples-balita.com/wp-content/uploads/2025/04/KULONG-REMATE-2-1.jpg