• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Angara, umaasa na hindi siya kasama sa napababalitang ‘rigodon’ sa Gabinete

SINABI ni Education Secretary Sonny Angara na bagaman wala namang kumpirmasyon sa sinasabing Cabinet revamp, umaasa siya na hindi siya kasama sa anumang “balasahan.”
“Hopefully hindi, hopefully hindi tayo kasama doon kung meron man,” ang sinabi ni Angara sa mga mamamahayag sa isang ambush interview sa San Francisco High School sa Quezon City.
Binigyang diin ni Angara na itinanggi na ng Malakanyang na may isinasagawang Cabinet revamp at hindi aniya nila personal na napag-usapan ng Pangulo ang bagay na ito.
“Ah kay Presidente hindi, kay Palace spokesperson sabi sa ‘kin …wala naman at saka si ES (Executive Secretary Ralph Recto), sabi wala naman,” ayon sa Kalihim.
At nang tanungin kung saan nag-ugat ang nasabing balita, tumanggi naman si Angara na mag-speculate.
Nauna rito, itinanggi ng Malakanyang na mayroong napipintong balasahan sa gabinete ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi napag-uusapan sa Malakanyang ang panibagong revamp sa gabinete.
Sa ngayon, ayon kay Castro walang naipararating sa kanya tungkol sa anumang pagbabago sa cabinet members.
Ayon pa sa Palace Official, baka mayroon lang nagpapakalat tungkol sa cabinet revamp.
Pero kinumpirma nito na nagpapatuloy pa ang performance review sa mga opisyal ng gobyerno.
Naka-depende anya sa Pangulo kung kuntento ito sa trabaho ng kanyang gabinete.
Samantala, muling umugong ang umano’y rigodon at siyam na ahensya ang sinasabing maapektuhan kabilang ang DOH, DOT, DOTr, DFA, BOC, DepEd, DPWH, DICT at DepDev. ( DARIS JOSE)