• September 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Aminadong sumama ang loob sa TV5 pero naghilom na…VICE GANDA, pumirma na sa MediaQuest Holdings at tinawag na ‘Queen of All Networks’ (ni: ROHN ROMULO) 

SA isang makasaysayang at game-changing moment para sa Philippine media, sinelyuhan ng Asia’s Phenomenal Unkabogable Box Office Superstar na si Vice Ganda at MediaQuest Holdings ang isang phenomenal partnership kahapon, Agosto 12, Miyerkules, sa The Lighthouse sa Meralco Center, na isa sa mga iconic corporate headquarters ni Chairman Manny V. Pangilinan.

Ang pagpirma ay kumakatawan sa isang monumental na alyansa sa pagitan ng pinakakilalang entertainment personality ng bansa at isa sa mga pinaka-formidable media organizations.

Opisyal na pinagtitibay si Vice Ganda sa kasaysayan ng pop culture ng Pilipinas bilang “Queen of All Networks,” ang kasunduan ay pormal nang ibinahagi ang pananaw upang lumikha ng isang bagay na mas pinatindi para sa mga manonood sa buong mundo, gamit ang laki at malawak na maaabot ng MVP Group at Media Quest kasama ang kultural na pamana ni Vice Ganda.

Dinaluhan ang naturang seremonya nina Manny V. Pangilinan, Chairman ng MVP Group, Ranvel Rufino, Head for Partnerships, People and Business Development, at Victorico P. Vargas, President at CEO ng Media Quest Holdings. 

Ang proyektong “VG X MQ” ay hudyat ng mga pambihirang oportunidad, na nagbubukas ng daan para sa mga makabagong proyekto na tiyak na magugustuhan ng mga Pilipino sa buong mundo.

Sa huli, may mga kahanga-hangang posibilidad na naghihintay sa makasaysayang pagsasanib-puwersa sa pagitan ng entertainment icon at ng media titan.

Samantala, inamin naman ni Vice na matagal na ang negosasyon nila ng Media Quest at ngayon lang ito nagkaroon ng pagkakataon para maisakatuparan, na maituturing na isa namang malaking blessing dapat niyang ipagpasalamat.

“Masarap siya sa pakiramdam, gusto ko siya,” pag-amin ni Vice.

“At dahil may kontrata, siyempre may bayad yan, di ba?  Kaya iniisip ko lang, gusto ko ng ganito, magpapagawa ako ng ganito, magpapadala ako sa ganito.

“Kasi okey na naman ako, even without this contract, mabubuhay na naman ako bukas.

“Kaya para saan kaya ang blessing na ito?  Para sa akin ba lahat ito? Kakamkamin o sasarilinin ko lang ba ito? 

“Di ba sabi ko nga kanina, this is a win win for me, for ABS-CBN or TV5 or Media Quest and for everyone that I will be sharing this win win.”

Pagbabahagi pa niya sa naging pag-uusap nila ni MVP tungkol sa partnership…

“Noong nag-meet kami ni Sir MVP, meron akong narinig sa kanya na hindi ko makakalimutan.  Kasi noong tinatanong ko ang sarili ko, before ako nag-decide, why will I enter in this agreement? 

“Ano ang maibibigay ko sa kanila?  Ano ang mabibigay nito sa audiences? 

“At this very moment, naghihingalo naman talaga ang telebisyon.  At yun hamon na bukas makalawa ay wala nang television dahil sa rami ng libreng platforms.

“Yun ang isa pang bagay na ayokong i-embrace na bukod sa pinaghahandaan, gusto ko hanggang makakaya, ipaglaban natin na maipagpatuloy ang nasimulan natin.”

Dagdag pa niya, “kaya nang sinabi niya (MVP) sa akin na, ‘at this point we just need to unite.  Because I have what you don’t have. And you have what I don’t have…

“‘Because the industry needs for us to unite in order to survive. 

“So that’s very clear… So, ‘pag pinagsama mo ‘yun, it’s awin win for so many people.”

Inamin naman ng TV host/comedian na na sumama ang loob niya sa TV5 nang biglang mawala ang “It’s Showtime” sa Kapatid Network.

Kuwento ni Vice, “a month or after na nawala kami sa TV5, meron nang talks eh.

“Pero hindi eh, dahil heart broken pa ako, parang no muna dahil hindi ako comfortable.

“It broke my heart at that time, pero ngayon nakakatuwa dahil ang heartbreak naghi-heal.  Nagkaroon ng maraming learnings at puwede pang makabuo ng isang magandang relationship after a heartbreak.

“Kaya I’m just super excited sa mga content na gusto kong gawin.”

Paglilinaw pa niya sa pagpalit ng ‘Eat Bulaga’ sa ‘It’s Showtime’, “wala akong sama ng loob sa TVJ ha? Parang TVJ has nothing to do with.

“Wala naman akong relationship or deals with them, hindi naman ako nagtatrabaho together.  

“So, hindi naman sila yun nakasakit sa akin, wala naman silang communication sa akin. They just doing their jobs.”

Pangako pa ni Vice Ganda, pasabog na mga content dapat abangan sa phenomenal partnership na ito sa MediaQuest Holdings.