• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Aminadong may pasulyap-sulyap na date: IVANA, ipinagdiinang single pa rin at walang sinisirang pamilya

IPINAGDIINAN ni Ivana Alawi na single na single pa rin siya hanggang ngayon dahil wala raw siyang time na harapin ang kanyang buhay pag-ibig.

“Wala nga akong time sa sarili ko, kahit nga sa family ko, minsan hindi kami nagkakasabay kumain,” pag-amin ng aktres at vlogger sa naganap na thanksgiving party niya para sa entertainment media kahapon, March 7, sa Vinta Modern Carinderia, sa Quezon City.

“This year mas magiging busy ako, meron akong teleserye at movies din.  So, paano talaga ako magkakaroon ng time sa lovelife, di ba?  Bahala na sila, saka na lang ‘yun, kaya work muna.

“Busy pa rin ako sa content creation, pagbibigay ng tulong.  Yun talaga ang nasa utak ko, tumulong muna bago ako mag-focus sa pag-ibig.

“Pero mayroon namang pasulyap-sulyap na date,” dagdag pa niya.

28 years old na ngayon si Ivana at pagdating niya ng edad trenta ay, “sa akin lang ito ha, hindi ko sinasabi para sa lahat.  Feeling ko pag mga 30 na ako, I think it’s time for myself and start focusing on love and family.”

Natanong din si Ivana tungkol sa health crisis na kanyang pinagdaanan last year.  Nagkaroon siya ng problem sa ovaries na dahilan para magkaroon fluid build-up sa abdomen niya. Meron din siyang PCOS at naospital siya ng ilang araw.

Kuwento niya, “it took a month to recover, bawal kumilos, bawal mag-gym, kaya siguro medya nagkalaman ako.  Wala naman akong pakialam kung tumaba ako, basta healthy, ‘yun ang importante sa akin.

“Pero ngayon, okey na okey na ako, wala na akong sakit.

Na-realize daw niya na, “lahat ng material, lahat ng pera, mga bag mo, hindi mo masasama ‘yun pag kinuha ka na ni Lord.  Kaya dapat magpakasaya ka sa buhay mo, i-enjoy mo and surround yourself with your love ones.

May inamin din si Ivana na may matutupad na pangarap niya sa darating na mga araw.

“May isa akong pangarap na maa-achieve ko very very soon,” say ng sexy actress.

“Pangarap ko siya dati pa noong bata pa ako, so, siguro yun pa lang.  Siyempre ang next kong pangarap ay makabuo ng pamilya at maging housewife, so, hindi pa natutupad ‘yun.

“Pero ito, matutupad na at malalaman naman ninyo agad yun this month.”

Samantala, dedma lang si Ivana sa tsikang may dyowa raw siyang politiko na pamilyado na.

“Wala akong sinisirang pamilya,” may diin pang tugon ng sikat na sexy vlogger.

(ROHN ROMULO)