American national, nahulog sa condo dedo
- Published on February 13, 2025
- by Peoples Balita
DEDBOL ang 59-anyos na American national matapos umanong mahulog mula sa ika-walong palapag ng isang condominium sa Valenzuela City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Robert”, American national at pansamantalang nanunuluyan sa Unit 819, Tower A Condominium, Isabelle de Valenzuela, Brgy. Marulas sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan matapos bumagsak sa lobby ng naturang condo.
Lumabas sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente Lunes ng alas-9:40 ng umaga bagama’t nito lang Miyerkules ng madaling araw nakapaglabas ng ulat ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban dahil kinakailangan pa nilang ipabatid sa Foreign Liason Division ng Embahada ng Estados Unidos ang malagim na sinapit ng dayuhan para maipaalam sa kanyang pamilya ang nangyari.
Sa pahayag sa pulisya ng 52-anyos na lady guard ng condominium na si alyas “Anita”, residente ng University Avenue, Brgy. Potrero, Malabon City, ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang laking gulat niya nang bumagsak sa kanyang tabi ang katawan ng biktima.
Kaagad naman niyang ipinaalam sa mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang insidente.
Sinabi ni Col. Cayaban na isasailalim pa nila sa autopsy examination ang bangkay ng dayuhan upang matiyak ang sanhi ng kanyang kamatayan habang patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pagsisiyasat para mabatid kung sadyang tumalon sa kanyang kamatayan ang dayuhan o aksidenteng nahulog mula sa tinutuluyan niyang unit. (Richard Mesa)