ALLOWANCES SA MGA PISKAL AT HUKOM, INILABAS NA
- Published on November 20, 2025
- by @peoplesbalita
INANUNSIYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Huwebes, Nobyembre 20, ang pagpapalabas ng higit ₱22.3 milyon na allowances para sa mga piskal at hukom na naka-assign sa lungsod. Ito ay nagpapatuloy sa linggong sunod-sunod na payout matapos ilabas noong Lunes ang ₱317 milyon na year-end benefits para sa mga empleyado ng City Hall.
Ginawa ng alkalde ang anunsyo matapos ang kanyang pulong noong Miyerkules, Nobyembre 19, kasama ang mga opisyal ng Office of the City Prosecutor at mga kinatawan ng trial courts ng Maynila.
Dumalo sa pagpupulong sina Senior Assistant City Prosecutor Jolas Brutas, Assistant City Prosecutor Jasyrr J. Garcia, Metropolitan Trial Court Executive Judge Michelle Divina-Delfin, at Regional Trial Court Executive Judge Carolina Icasiano-Sison.
Ayon kay Domagoso, babayaran ng city government ang naipong allowances na nakalaan para sa Office of the City Prosecutor, mga hukom ng Metropolitan Trial Court (MeTC), at mga hukom ng Regional Trial Court (RTC).
Saklaw ng payout ang iba’t ibang panahon—mula Abril hanggang Oktubre 2025 para sa mga piskal, at mula Mayo hanggang Setyembre 2025 para sa mga hukom, depende sa kani-kanilang alokasyon.
Para sa Office of the City Prosecutor, naglaan ang lungsod ng ₱10,448,233.27 para sa Abril hanggang Oktubre 2025.
Makakatanggap naman ang MeTC Manila ng ₱4,047,000.00 para sa Mayo hanggang Setyembre 2025, habang ₱7,807,000.00 ang ilalabas para sa RTC Manila para sa Mayo hanggang Hulyo 2025.
Sa kabuuan, aabot sa ₱22,302,233.27 ang allowances na ipalalabas ng city government.
Ang hakbang na ito ay kasunod lamang ng tatlong araw matapos ipag-utos ni Domagoso ang pagpapalabas ng ₱317,014,291.84 na year-end bonuses at cash gifts para sa regular na kawani ng City Hall—na aniya’y naisakatuparan dahil sa mas mahigpit na paggastos, mas mahusay na revenue performance, at mas istriktong disiplina sa mga departamento.
Sa flag-raising ceremony noong Lunes, inamin ng alkalde ang hirap pinansyal bago maisagawa ang payout, ngunit pinuri niya ang kanyang team sa pagpapanumbalik ng kaayusan sa pananalapi.
Paulit-ulit din niyang pinaalalahanan ang mga empleyado na magbigay ng pasensya at maayos na serbisyo lalo na’t tumataas ang foot traffic sa City Hall, habang ipinaalala rin sa publiko ang nagpapatuloy na General Tax Amnesty sa ilalim ng Ordinance No. 9118 hanggang Disyembre 31, 2025, at ang mga schedule ng early-payment discounts para sa 2026 Real Property Tax.
Hinimok rin ni Domagoso ang mga residente na gamitin ang Go Manila online platform upang magbayad ng buwis, kumuha ng business permits, at magsagawa ng iba pang transaksiyon sa pamahalaan nang hindi na pumipila onsite. (Gene Adsuara)