Alex Eala, pumasok na sa WTA Top 40 bago ang Doha debut
- Published on February 10, 2026
- by @peoplesbalita
OPISYAL nang nakapasok sa Top 40 ng Women’s Tennis Association (WTA) ang Filipina tennis star na si Alex Eala, bago ang kanyang opening-round match sa WTA 1000 Qatar Open sa Doha.
Ang milestone na ito ay nagtatakda sa kanya bilang pinakamataas na ranggong Filipina tennis player sa kasaysayan, matapos ang matagumpay na kampanya sa Abu Dhabi Open kung saan umabot siya sa quarterfinals sa singles at semifinals sa doubles.
Ngunit bago marating ang global stage, nagsimula si Eala sa payak na paraan. Bilang preschooler, unang humawak ng raketa sa Valle Verde Country Club sa Pasig City, kung saan ang paglalaro ng tennis ay isang simpleng family pasttime.
Sa murang edad, ipinakita na niya ang likas na galing at dedikasyon sa laro.
Noong 13 taong gulang, lumipat siya sa Mallorca, Spain upang mag-training sa Rafa Nadal Academy, isang hakbang na nagbigay sa kanya ng mas matinding exposure at oportunidad laban sa mga international junior players.
Dito siya nahasa at naging junior champion sa iba’t ibang torneo, kabilang ang Grand Slam junior doubles titles.
Mula sa pagiging promising junior, naging pro si Eala noong 2020, at unti-unting umangat sa ranggo sa kabila ng hamon ng mas matitinding kalaban sa WTA circuit.
Sa kanyang pagpasok sa Top 40 ngayong Pebrero 2026, pinatunayan niyang ang pangarap na nagsimula sa simpleng tennis court sa Pasig ay maaaring magbunga ng pandaigdigang tagumpay.