Akusasyon kay Atong Ang, pinanindigan na walang basehan
- Published on October 22, 2025
- by @peoplesbalita
PINANINDIGAN ng kampo ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang na walang basehan ang mga akusasyon kaugnay sa mga nawawalang mga sabungeros.
Hindi rin umano tumutugma ang mga pahayag ng mga complainant sa mga tunay na pangyayari.
Ngayong araw, nagpapatuloy ang ika-tatlong preliminary investigation sa department of Justice (DOJ).
Dumating naman ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungeros habang kinumpirma ni Atty.Gabriel Villareal na hindi darating ang mga anak ni Atong Ang na sina Aileen Sheril Ann Galang, Richard Sulit Ang, Ellaine Ang Yu at mister niya na si Christopher Yu.
Ayon sa abogado, nagsumite na kasi kahapon ng kanilang counter affidavits ang tatlong anak at manugang ni Ang para sagutin ang mga reklamong isinampa ng PNP-CIDG .
Dumating din ang sinasabing whistleblower at dating tauhan ni Atong Ang na si Julie Patidongan at lahat sila ay nakasalang ngayon sa pagdinig na pinamumunuan ng DOJ panel of prosecutors.
Bukod sa preliminary investigation, magsasagawa rin ng clarificatory meeting ang piskalya para sa mga karagdagang katanungan sa mga complainant at respondent kaugnay ng mga ebidensiyang isinumite ng CIDG.
Inaasahang magsusumite ng kontra-salaysay ang mahigit 60 respondent sa reklamo at una nang sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Atty. Charlie Guhit na susuriin ito ng mga piskal kung iaakyat sa korte o ibabasura ang kaso. (Gene Adsuara)